DAGUPAN City—Maigting na ipinapatupad na checkpoints sa mga entry at exit points sa lungsod ng Alaminos kung saan hindi na pinapapasok ang papunta at gayundin na hindi makakaalis ang mga nasa siyudad bunsod na rin ng umiiral na Extreme Enhance Community Quarantine sa Pangasinan upang maiwasan na makapagtala ng kaso coronavirus disease sa kanilang lungsod.
Sa esklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Alaminos City Mayor Bryan Celeste inihayag nito na mahigpit ang pagbabantay nila sa kanilang lungsod nang sagayon ay maiwasan na ang mas matinding epekto ng sakit sa kanilang nasasakupan.
Ngunit kung katanggap-tangap ang rason gaya na lamang ng pamimili ng pangunahing pangangailangan at kung may emergency ay papahintulutan naman umano nila ito.
Aniya marami pa ring mga residente ang pinapauwi nila sa kani-kanilang bahay dahil may mangilan-ngilan pa ring mga residente na lumalabas pa rin ng kanilang mga tahanan sa kabila ng umiiral na curfews at ang mga ito ay lumalabag sa nasabing direktiba ng pamahalaan.
Dagdag pa nito na disiplina at ang kooperasyon sa bawat isa ang kailangan ng kanilang tanggapan upang sa gayon ay hindi na lumala ang posibleng epekto ng coronavirus disease at ng umiiral na enhance community quarantine para na rin sa kaligtasan ng lahat.
Kaya naman, bilin nito sa kanyang nasasakupan na pumirmi muna sa kanilang tahanan at sumunod sa direktiba ng pamahalaan.
Upang maiwasan na ang paglabas ng mga residente sa nasabing mga lungsod, ay namimigay ang kanilang tanggapan ng relief goods sa mga pamilya ng apektadong mga barangay na galing naman sa calamity fund ng lungsod ng Alaminos.