Dagupan City – Suspendido ang Driverse license ng isang internet personality na si Josh Mojica 21-year-old matapos masangkot sa isang traffic violation.

Ito ang kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) sa kanilang post.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, lumalabas na tila kinukuhanan ng video ni Mojica ang sarili habang nagmamaneho sa isang highway—isang malinaw na paglabag sa Anti-Distracted Driving Act.

--Ads--

Dagdag pa nito, anuman ang klase ng sasakyan na minamaneho ay dapat matuto pa ring sumunod sa batas trapiko.

Matatandaan na in-upload ni Mojica ang video at makikita siyang nagmamaneho ng mamahaling sasakyan habang may hawak na cellphone. Ang caption pa nito:
“Life’s so fckn good when u stay masipag & pogi.”

Hindi naman ito pinalampas ng netizens, at agad na inulan ng batikos ang post dahil sa umano’y pagiging iresponsable sa kalsada.

Marami ang nagsabing bilang isang public figure, dapat ay nagsisilbing ehemplo si Mojica sa kanyang mga tagasubaybay.

Sa show cause order (SCO) na inisyu ni LTO-Intelligence and Investigation Division chief Renante Melitante, nakasaad dito ang tatlong charges— reckless driving, violation of the Anti-Distracted Driving Act (Sec. 4 of R.A. No. 10913) and being an Improper Person to Operate a Motor Vehicle (Sec. 27 (a) of R.A. No. 4136).

Ang huling kaso ay posibleng magresulta sa pagkakabawi o pagkakansela ng kanyang lisensya.

Nakilala si Mojica noong 2021 matapos mag-viral ang kanyang kwento kung paano siya kumita mula sa pagbebenta ng homemade kangkong chips.

Bukod sa suspensyon, inisyu rin ng LTO Intelligence and Investigation Division, sa pangunguna ni Renante Melitante, ang isang Show-Cause Order na nag-aatas kay Mojica na humarap sa opisina upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng karampatang administrative penalties.

Sa ngayon, ang Porsche na gamit ni Mojica ay ipinasok na sa alarm list ng LTO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Muli na namang naipaalala sa publiko na ang kasikatan at karangyaan ay hindi sapat na dahilan para isantabi ang kaligtasan—lalo na sa kalsada.