Dagupan City – Magsasagawa ang Land Transportation Office (LTO) Region 1 ng sabay na pamamahagi ng plaka ngayong araw sa Villasis at Dagupan City.

Bukas ang pamamahaging ito sa lahat ng mga rehistradong sasakyan sa Rehiyon 1.

Sa Villasis, gaganapin ito sa Villasis Activity Center mula 8:00 AM hanggang 3:00 PM, habang sa Dagupan City, ito ay sa CSI Market Square Atrium mula 9:00 AM hanggang 4:00 PM.

--Ads--

Ang aktibidad na ito ay bahagi ng pagsisikap na maibaba ang backlog ng mga plaka ng tricycle at motorsiklo at bilang paghahanda sa ipapatupad na “No Plate, No Travel Policy” sa darating na Oktubre.

Para sa mga nais dumalo, pinapayuhan na magdala ng mga sumusunod na dokumento: orihinal at kopya ng OR/CR, valid ID ng rehistradong may-ari, at Deed of Sale (kung hindi pa nakapangalan sa inyo ang sasakyan).

Samantala, ang mga ipamamahaging plaka ay para sa mga sasakyang rehistrado noong 2017 pababa habang para naman sa mga rehistrado mula 2018 pataas ay dapat kunin na lamang ang plaka sa dealer na pinagbilhan.

Inaasahan naman na magpapatuloy ang ganitong gawain sa ibang mga bayan o lungsod hanggang sa maipamahagi ang lahat ng plaka upang maiwasan ang problema sa mga susunod na buwan lalo na sa nasabing polisiya.