Nagpapatuloy ang pagbusisi ng Land Transportation Office (LTO) sa Dagupan sa isang lumalawak na operasyon ng pandaraya kaugnay ng pagkuha ng student driver’s permit, kasunod ng pagkakahuli sa isang suspek na umano’y nasa likod ng iligal na transaksyon gamit ang pekeng mga dokumento.
Ayon sa mga ulat, ginagamitan pa ito ng “non-appearance” scheme, kung saan hindi na kinakailangang personal na humarap ang aplikante.
Lumutang din ang ilang aplikante na nagsabing naloko sila matapos mabigong makakuha ng permit sa kabila ng pagbabayad ng serbisyo na iniaalok online.
Lumalabas na karamihan sa mga ito ay gumamit ng mga dokumentong hindi galing sa awtorisadong driving school at kaduda-dudang ID.
Tinututukan na ng LTO ang pagkalap ng impormasyon upang matukoy ang iba pang taong sangkot sa modus operandi.
Kaugnay nito, nanawagan ang LTO sa publiko na umiwas sa mga shortcut o alok ng mabilisang proseso, at tiyaking dumaan sa tamang paraan at awtorisadong mga tanggapan upang makakuha ng lisensya.