DAGUPAN CITY- Nagbabala ang Land Transportation Office (LTO) Dagupan City sa publiko laban sa mga ilegal na transaksyon sa pagkuha ng driver’s license.
Kamakailan lamang ay nadakip nila ang isang indibidwal na sangkot sa pagbibigay ng pekeng dokumento para sa student permit.
Ayon kay Romel Dawaton, hepe ng tanggapan, natuklasan nilang ang mga certificates ng tatlong kliyente ng suspek ay nakuha gamit ang “non-appearance” scheme sa online platforms, ibig sabihin na hindi na pumunta nang personal ang aplikante sa mismong driving school.
Aniya na inireport na nila ang kaso sa Regional Accreditation on Driving Institution para sa kaukulang imbestigasyon.
Dahil dito ay mas lalo nilang pinaiigting ang pagsusuri sa mga dokumento ng mga aplikante upang matiyak ang integridad ng proseso, partikular na ang mga certificates na paunang requirements.
Paliwanag ni Dawaton na ang pagsunod sa tamang proseso ay mahalaga dahil ang pagkuha ng driver’s license ay isang pribilehiyo, at ang paglabag dito ay maaring magresulta sa suspensyon o pagbawi ng lisensya.
Nanawagan naman ito sa publiko na makipagtulungan sa LTO upang mapanatili ang maayos na pagpapatupad ng batas trapiko at maiwasan ang mga ilegal na transaksyon lalo na ang pagkuha ng lisensya.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag tangkilikin ang mga nag-aalok ng mabilisang transaksyon gaya ng fixers na maaaring magdulot ng mga problema sa hinaharap.