PANGASINAN, PH — Siniguro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 ang pagbabalik operasyon ng Inter-Regional buses bago sumapit ang Semana Santa ngayong taon.

Kinumpirma ni LTFRB Regional Director Nasrudin Talipasan sa naganap na regular web-based session ng Pangasinan Provincial Board na natanggap nila noong ika-29 ng Disyembre, noong nakaraang taon ang liham ng Gobernador ng lalawigan sa pagnanais na magbalik biyahe na ang mga pampublikong bus at kanila na umano itong inendorso sa kanilang Central Office noong pang Enero 6, ngayong taon.

Aniya, sa oras na ilabas na ang memorandum circular mula sa kanilang Central Office ay agarang sisimulan ang pagbubukas ng transport services sa probinsiya.

--Ads--
Voice of LTFRB Regional Director Nasrudin Talipasan

Umapela rin ang direktor ng pasensiya at pang-unawa sa publiko dahil sa haba ng prosesong ginugugol ng naturang request.

Ani Talipasan, natatagalan umano ito dahil buong Pilipinas ang hawak ng Central Office ngunit siniguro nito ang walang humpay na pag-follow-up sa nasambit na tanggapan.

Matatandaang laman ng naturang liham ng Gobernador ang safety protocols na kailangang sundin ng provincial buses ay ang point-to-point travel system; probisyon ng thermal scanning; pagkakaroon ng alcohol dispensers at iba pang sanitation devices; pag-obserba sa physical distancing; installation ng semi-permeable barriers; pana-panahong RT-PCR test para sa mga drayber, konduktor at dispatchers; gayundin ang mandatory na pagsusuot ng face shields at face masks para sa mga pasaherong sasakay at mga personnel.