Iginiit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 1 na patuloy ang kanilang mahigpit na pakikipag ugnayan sa mga drivers at operators kaugnay sa pag phase out sa mga kakarag karag at mga luma ng pampasaherong jeep na may edad 15 taon na.
Ayon kay LTFRB Region 1 Director Nasrudin Talipasan, kinakailangan nang ma-modernize sa pagpasada ang mga lumang jeep upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo sa riding public.
Karamihan sa mga pampublikong sasakyan, ang mga jeep na lamang umano ang mas maraming bilang sa hindi pa naisasailalim sa 15 year old phase out ng mga sasakyan at nauna nang isinilalim sa modernization program ang mga taxi units, bus units at AUVs.
Handa namang tumulong ang ahensiya upang mabigyan ng pondo ang mga operator ng jeep sa pagka-katiwalaang bangko upang sila ay makabili ng bagong sasakyan na pampalit sa maapektuhan ng phase out.
Samantala, sa gagawing pag aayos ng mga rumurutang jeep sa bawat lansangan ay aalamin ang kaukulang bilang sa bawat ruta upang ang mas maraming sasakyan ay mailalagay sa mas higit na maraming mananakay at upang makatulong din sa pagsugpo ng trapiko sa bawat lugar.