Nagkaroon ng trauma ang isang 24-anyos na babae na tubong Mandaluyong, Manila matapos itong masangkot sa tinatawag ng love scam.
Nabatid mula kay PLt./Col. Ferdinand De Asis, COP ng Calasiao PNP dahil sa labis na pagmamahal ng babae, nagpasya itong umuwi sa bayan ng Calasiao upang katagpuin ang kaniyang nobyo na nakilala lamang sa isang social media site.
First time meet-up ang nangyari sa dalawa at batay na din sa salaysay ng babae, 3 buwan pa lamang ang itinatagal ng kanilang relasyon.
Napag alaman na isang call center agent ang babae.
Nagkakilala sa facebook hanggang sa nakapag palagayan ng loob hanggang dumating sa punto na mismong ang biktima na ang bumibili ng load sa kaniyang nobyo para sa online games partikular na ang DOTA at Mobile Legends.
Sa madaling sabi ayon kay De Asis, ang biktima ang siyang sumusustento sa mga bisyo ng kaniyang nobyo.
Sa paglalahad pa ng naturang babae, hindi naman niya first love o first boyfriend ang naturang lalaki ngunit sadyang nadala lang ng bugso ng damdamin kayat napa-ibig ito kaagad.
Masakit lang aniya tanggapin sa parte ng babae dahil noong magpasya itong umuwi sa bahay ng kaniyang nobyo, ipinagtabuyan ito at hindi man lang siya nagawang ipagtanggol.
Dagdag pa ni De Asis, hinikayat nilang magsampa ng kaso ang naturang biktima ngunit mas pinili na lamang nito na manahimik at bumalik sa lungsod ng Maynila.
Bagamat hindi na bago ayon sa opisyal ang mga ganitong modus, maigting pa din nilang paalala sa publiko na huwag kaagad magtitiwala sa kahit na sinuman upang maiwasan ang kahalintulad na senaryo. //Reports by Bombo Lyme Perez