Puspusan na ang paghahanda ng Longos Proper Elementary School para sa nalalapit na Municipal Meet Sports Competition na gaganapin sa bayan ng San Fabian, Pangasinan sa buwan ng Setyembre.
Katatapos lamang ng preliminary examination ng mga mag-aaral sa elementarya ngayong araw ng Miyerkules sa Longos Proper Elementary School.
Ngunit sa halip na magpahinga, agad na bumalik sa ensayo ang koponan bilang paghahanda para sa nalalapit paligsahan.
Sepak takraw ang napiling sentrong sports ng paaralan, bunsod ng limitadong bilang ng mga mag-aaral na nasa mahigit 160 lamang.
Sa kabila nito, ayon kay Jonathan Villareal, sports coordinator ng paaralan, sapat ang bilang at kakayahan ng kanilang mga atleta upang makipagsabayan sa naturang kompetisyon.
Batay sa tala ng paaralan, noong nakaraang taon ay isang panalo na lamang sana ang kanilang koponan upang makapasok sa Palarong Pambansa, ngunit hindi ito naabot.
Sa kabila nito, hindi nawawala ang determinasyon ng mga atleta na muling sumubok ngayong taon at makamit ang pagkakataong makatungtong sa pinakamalaking sports event sa bansa.
Nananatiling nakatuon ang Longos Proper Elementary School sa paghuhubog ng mga batang atleta, kasabay ng layuning maitaguyod ang disiplina, tiyaga, at kumpetisyon sa pamamagitan ng sports.