Bahagyang nasugatan ang isang senior citizen sa sunog na nangyari dakong 4:30 ng umaga sa isang bahay sa Bayanihan village, Caranglaan dito sa lungsod ng Dagupan kung saan ay nakapagtala ng tinatayang nasa 1million pisong danyos sa mga ari arian.
Ayon sa may-ari ng bahay na si Gng. Marissa Yanes, mahimbing na natutulog noon sa ikalawang palapag ang nasugatang biyanan nito na kinilalang si Jesus Yanes, 60 anyos nang mangyari ang sunog
Nagtamo ang biktima ng sugat sa may kanang bahagi ng noo nito dahil sa bitak ng salamin na tumama rito mula sa bintana , nang magsimula ang sunog sa unang palapag ng bahay nito.
Mabilis namang naapula ang sunog sa tulong ng mga residente sa naturang lugar.Rumisponde din ang Bureau of Fire Protection para masigurong naapula ang sunog at batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, sumabog umano ang hindi pa tukoy na bagay mula sa sahig malapit sa may hagdanan sa loob ng kanilang bahay.
Sa ngayon ay patuloy na inaalam pa ang pinagmulan ng sunog.
Samantala, ayon sa may-ari ng bahay tinatayang nasa 1million piso umano ang pinsala sa kanilang ari-arian kung saan nadamay lahat ng kanilang appliances sa sunog.
Nabatid na paggawa ng paputok na kwitis ang hanapbuhay ng pamilya Yanes.