‎Agad na nagpatupad ng pre-emptive at mandatory evacuation ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City sa 31 barangay bilang paghahanda sa posibleng epekto ng bagyong Uwan.

‎Ayon kay City Disaster Risk Reduction and Management Office Head Ronald De Guzman, Naka-full alert na ang lahat ng emergency response team sa lungsod kung saan mula pa kahapon, nakabantay na ang mga responder at nakahanda ang mga evacuation center para tumanggap ng mga lilikas na residente.

‎Pinakaunang inilikas ang mga barangay na nasa tabing-ilog at mabababang lugar dahil sa posibilidad ng storm surge at pagbaha. Ayon sa mga awtoridad, halos lahat ng barangay sa Dagupan ay maaaring maapektuhan kung sakali mang maramdaman na ang sama ng panahon.

‎Sa ngayon, patuloy ang koordinasyon ng disaster response team sa lokal na pamahalaan, pulisya, at iba pang ahensya upang matiyak ang mabilis na pagresponde sakaling maramdaman na ang malakas na hangin at ulan sa lungsod.

‎Nagbigay paalala rin si De Guzman sa mga residente na manatiling nakatutok sa mga opisyal na abiso at iwasang bumalik sa kanilang mga bahay hangga’t hindi idinedeklarang ligtas ang lugar.