DAGUPAN CITY- Nakaranas man ang probinsya ng Pangasinan ng malakas na hangin at ulan dulot ni bagyong Pepito ay wala namang naitala na malalang pagkasira ng mga linya at poste ng kuryente ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) sa kanilang mga sakop na lugar.
Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, na ipinagpasalamat nito na hindi naapektuhan ang kanilang coverage area at ilan lamang ang naitalang power interruption.
Agad naman nila itong naisaayos agad at naging manageable ang sitwasyon.
Kaugnay pa nito ay tuloy tuloy ang pagsasagawa nila ng clearing operation lalo na sa mga kabahayan na kinakailangan ng tulong para makaiwas sa insidente.
Samanatala, sa ngayon ay nakikipag-ugnayan din sila sa mga kalapit na utilities o mga lugar na nakaranas ng malalang pagkasira o nakaranas ng malaking pinsala ng bagyong pepito upang matulungan ang mga ito para sa agarang pagbabalik ng serbisyo. Kung saan ang regional office ng naturang tanggapan ay bumubuo ng task force para sa pagtugon.
Panawagan naman ni Engr. Corpuz sa kanilang mga consumers na makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan kung may mga kinakailangan ng assistance sa pagsasaayos ng kanilang mga linya upang maiwasan ang insidente naman ng pagkakuryente.