Pinayuhan ng bunsong Cayetano na si Lino Cayetano ang kaniyang mga nakakatandang kapatid na sina Sen. Alan at Sen. Pia ukol sa kanilang tunay na pinagsisilbihan, bilang mga public official.
Payo ng pinakabatang Cayetano, dapat ay laging isipin ng mga ito na ang kanilang pinagsisilbihan ay ang mga Pilipino at hindi lamang iisang tao o ng alinmang interest group.
Akma rin aniya ang naturang payo sa lahat ng opisyal ng pamahalaan.
Aniya, bago matulog ang mga ito ay dapat ding itanong sa kani-kanilang sarili kung napagseserbisyuhan ba nila ang mas nakararaming Pilipino.
Ilang linggo bago nito ay itinalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang dating Taguig City mayor bilang communications executive sa ilalim ng Presidential Communications Office.
Ang kaniyang kapatid na si dating Senate Pres. Alan Peter ay isa sa mga kilalang kritiko ng kasalukuyang administrasyon kung saan ilang beses din niyang inakusahan ang Malakaniyang na umano’y komokontrol sa ilan sa kaniyang mga kapwa-senador.










