Dagupan City – Pinalakas ng Lingayen Municipal Police Station (MPS) ang police presence sa bayan sa pamamagitan ng proactive visitation at safety inspection sa mga gasoline station at commercial establishments bilang tugon sa umiiral na Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon o Habagat na nakaaapekto sa Luzon.

Sa pamumuno ni PLTCOL JUNMAR C. GONZALES, Chief of Police, nagsagawa ang mga tauhan ng Lingayen MPS ng pag-iikot at pagbisita sa mga establisimyento upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, mamonitor ang suplay ng gasolina at mga pangunahing bilihin, maiwasan ang mga krimen, at matiyak ang agarang pagtugon sakaling mangailangan ng tulong ang mga business owners at motorista.

Bahagi rin ng operasyon ang pagbibigay ng safety reminders sa mga residente habang patuloy ang masamang panahon.

--Ads--

Pinayuhan ang publiko na regular na subaybayan ang mga opisyal na weather updates mula sa PAGASA at mga abiso ng local DRRMO upang maging handa sa anumang pagbabago ng lagay ng panahon.

Hinikayat din ang mga may-ari ng bahay at negosyo na tiyaking ligtas at matibay ang mga bubong, maluluwag na materyales at mga bagay na maaaring tangayin ng malakas na hangin.

Pinag-iingat naman ang mga motorista sa madulas na kalsada at mahigpit na pinapayuhang iwasang lumusong o tumawid sa mga lugar na binabaha.

Ipinaalala rin sa publiko ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga emergency contact number na madaling matawagan sakaling magkaroon ng insidente o nangangailangan ng agarang tulong.

Patuloy namang nagpapatupad ng 24/7 police visibility at monitoring ang Lingayen MPS upang mapanatili ang seguridad at kaligtasan ng mga Lingayenenses sa gitna ng patuloy na epekto ng masamang panahon.