DAGUPAN, CITY— Nagpositibo sa COVID-19 ang alkalde ng bayan ng Lingayen na si Mayor Leopoldo Bataoil.


Ayon kay Roberto Sylim, Municipal Administrator ng nabanggit na bayan, isinara kahapon, Enero 7, ang Office of the Mayor upang bigyan daan ang pagdi-disinfect dito at sa Lunes na umano ito bubuksan.


Sa hiwalay na panayam kay Bataoil ay ibinahagi nitong hindi malala ang sintomas na kaniyang nararamdaman na pinatotohanan naman din ni Sylim at binigyang diin na tanging pag-ubo ang nararanasan nito na maituturing na mild symptom.

--Ads--


Sa kasalukuyan ay naka self-isolate na umano ang nasambit na alkalde, gayundin ang nasa tatlo hanggang apat na close contact nito sa kanilang Municipall Hall.


Ang mga nakasalamuha ni Mayor Bataoil ay wala ring nararanasang anumang sintomas ng COVID-19 sa kasalukuyan na sasailalim naman sa antigen test sa susunod na linggo.

Hindi pa umano matukoy kung saan o kanino nahawa si Bataoil dahil madalas umano itong naka field o on-site duty sa loob at labas ng naturang bayan bilang ito rin ang Presidente ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Pangasinan chapter.


Kaugnay nito, siniguro naman ng nabanggit na administrador na tuloy pa rin ang mga operasyon at serbisyong kanilang iginagawad sa publiko, kasama na riyan ang pagbubukas ng One Stop Shop kung saan ina-accommodate ang mga nagbabayad ng buwis at ang mga nag-a-apply sa pagkuha ng business permits.