DAGUPAN CITY- Naglabas ng paalala ang Pamahalaang Bayan ng Lingayen kasama ang mga kaukulang ahensya hinggil sa mahigpit na pagbabawal sa pagsusunog ng dahon at anumang uri ng basura, alinsunod sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act of 2000.
Ayon sa batas, partikular sa Section 48, Paragraph 3, ang open burning o backyard burning ay isa sa mga ipinagbabawal na gawain dahil lubhang mapanganib ito sa kalusugan at kaligtasan ng komunidad. Kaugnay nito, pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang mga residente na iwasan ang pagsusunog ng basura maging sa bakuran o gilid ng kalsada.
Binigyang-diin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang usok mula sa pagsusunog ng dahon at waste materials ay naglalabas ng mapanganib na kemikal at lason sa kapaligiran, na maaaring magdulot ng ubo, hirap sa paghinga, iritasyon sa mata, at paglala ng polusyon sa barangay.
Nakasaad sa RA 9003 na ang sinumang mahuhuling lalabag sa probisyong ito ay maaaring patawan ng multang P300 hanggang P1,000 at pagkakakulong mula 1 hanggang 15 araw, depende sa bigat at dalas ng paglabag.
Hinimok ng LGU Lingayen ang publiko na sundin ang tamang waste disposal kabilang ang segregation, composting, at ang pag-antabay sa tamang waste collection schedule, upang maiwasan ang pag-ipon ng basura at ang maling praktis ng open burning.
Layunin ng paalalang ito na tiyaking nananatiling malinis, ligtas, at maayos ang kapaligiran ng Lingayen, at maprotektahan ang kalusugan ng bawat residente.










