Dagupan City – Naghahanda ang Pamahalaang Bayan ng Lingayen para sa ikalawang taon ng Employees Appreciation Day bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-146 Civil Service Anniversary ngayong Setyembre 29, 2026.
Inihanda ang aktibidad bilang pagkilala sa pagsisikap, dedikasyon at serbisyo ng mga empleyado ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa komunidad.
Kabilang sa mga nakatakdang gawain ang grazing table at food carts, photobooth, medical check-up na may libreng gamot at vitamins, at blood donation drive katuwang ang Philippine Red Cross Pangasinan.
Kasama rin sa mga serbisyong inihanda ang libreng hand at back massage, gayundin ang libreng cyst removal para sa mga empleyadong nakapagparehistro. Isasagawa rin ang raffle draw na bukas sa lahat ng empleyado ng LGU.
Bahagi rin ng pagdiriwang ang No Uniform Day na may retro theme, kung saan hinihikayat ang mga kawani na magsuot ng mga damit na inspirasyon ng dekada ’80 at ’90. May nakalaang tig-isang libong pisong premyo para sa Best Dressed Male, Best Dressed Female at Employees’ Choice.
Layunin ng aktibidad na bigyang-pagkilala ang mga kawani ng lokal na pamahalaan na patuloy na nagsisilbi sa mga residente at tumutulong sa pagpapatupad ng mga programa at serbisyo ng munisipyo.










