Naghahanda na ang Lokal na Pamahalaan ng Lingayen sa mga posibleng maging epekto ng El Niño phenomenon sa bayan.

Ito ay sa pamamagitan ng pagpupulong kasama ang alkalde ng naturang bayan na si Mayor Leopoldo Bataoil at ang mga myembro ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) upang talakayin ang mga maaaring gawing hakbang ukol sa nararanasang matinding init ng panahon o extreme heat index.

Sa pagpupulong napagusapan na isa sa mga partikular na tututukan ay ang posibleng epekto nito sa sektor ng agrikultura, water at marine resources, kalusugan ng tao, at kapaligiran.

--Ads--

Nagsimula ng mag abiso ang Municipal Health Office (MHO) at Brueau of Fire Protection (BFP) Lingayen sa pamamagitan ng public address system na manatili na lamang muna sa loob ng bahay lalo na kapag tanghali o hapon.

Dagdag pa dito ay pinapaalalahanan din ang publiko sa mga paraan upang maiwasan ang heat stroke at heat exhaustion.

Para naman sa mga lokal na magsasaka, pinapayuhan ng Municipal Agriculture Office o MAO Lingayen na ngayon pa lamang ay paghandaan na ang magiging epekto nito sa kanilang mga pananim at maging sa mga alagang hayop.

Nangako din ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office o LDRRMO Lingayen na tututok ito sa pagpapatupad ng mga hakbangin para makaagapay sa epekto nang inaasahang tagtuyot tulad ng pagsasagawa ng water analysis, malawakang kampanya sa water conservation o environmental sanitation, health awareness campaign at ang implementasyon ng lahat ng mga regular na programa ng mga ahensya ng pamahalaan.

Handa naman tumulong ang LGU Lingayen sa mga maaapektuhan nito at inaasahan ng naturang alkalde na sa pamamagitan nang pagtutulungan ng mga ahensiya ng pamahalaan at pakiki-isa ng mga mamamayan sa pagkilos, mababawasan ang masamang epekto ng El Niño sa bayan. // Report of Bombo Adrianne Suarez