DAGUPAN CITY — Puspusan na ang paghahanda ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Lingayen kasama ang kanilang MDRRMC Chairperson Honorable Leopoldo Bataoil sa posibleng pananalasa ng Bagyong ‘Karding’.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Kimpee Cruz, Assistant LDRRM Officer ng Lingayen, Pangasinan, binigyang-diin nito na nakahanda na ang lahat ng kanilang disaster response equipment, supplies, at material, apti na rin ang mga food at non-food items na kakailanganin sakaling tatama man ang bagyo sa lalawigan ng Pangasinan.
Dagdag pa ni Cruz na nakahanda na rin ang kanilang mga tauhan na 24/7 namang naka-monitor sa galaw ng bagyo. Saad pa nito na nagkaroon na rin sila ng pagpupulong kasama ang NDRRMC council members at ang Lingayen Vice Mayor Dexter Malicdem kaugnay ng pagmonitor sa mga areas na isasailalim sa LDRRMO watchlist partikular na ang mga barangay at mga lugar na high-risk sa pagbaha gaya ng coastal areas sa Libsong East, Libsong West, Maniboc, Poblacion, Pangapisan North, Sabangan, at Estanza.
Kaugnay nito ay nagbaba na ang Municipal Mayor at MDRRMC Chairperson Leopoldo Bataoil ng abiso sa bawat barangay na nasasakupan ng Lingayen na maghanda sa banta ng posibleng pananalasa ng Bagyong Karding. Sa ngayon ay wala pa namang iniallabas na “No Swimming Policy” sa nasabing bayan subalit tinututukan naman ng mga otoridad ang pagpataw ng Gale Warning sakaling mag-isyu ang PDRRMC at NDRRMC ng naturang babala.
Saad pa ni Cruz na nakatutok din sila sa iba pang abisong ilalabas ng mga nasabing ahensya upang maipaalam nila kaagad sa publiko ang mga paghahandang kailangan upang maiwasan ang sakuna.