DAGUPAN CITY — Muling nagbigay ng mensahe si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas para sa nalalapit na Midterm Elections at sa opisyal na pagsisimula ng local campaign period sa ika 29 ng Marso.
Ginawa ito ng arsobispo sa ginanap na paglulunsad ng ONE GOOD VOTE ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa isang unibersidad dito sa lungsod ng Dagupan.
Sa kaniyang naging mensahe ipinaalala nito ang mga tungkulin na kailangang magampanan ng simbahang katolika pagdating sa pagbibigay ng tamang gabay sa pagboto ngayon eleksyon.
Giit pa ni Archbishop Villegas, hindi lamang isang kalayaan o karapatan ang pagboto bagkus ito ay isang pananagutan.
Nagbigay din ito ng komento sa mga pulitiko na pinipili paring gumawa ng mga katiwalian sa pangangampanya halimbawa na lamang ng vote buying at panlilinlang sa mga botante.