Dagupan City – Nakatakdang idaos ng pamahalaang bayan ng Lingayen ang Lingayen Bagoong Festival 2026 mula Marso 18 hanggang 20 bilang pagdiriwang ng kultura, tradisyon at kilalang produktong bagoong ng bayan.

Inihanda ng Lingayen Tourism and Cultural Affairs Office ang iba’t ibang aktibidad na layong ipakita ang mayamang kultura at mga lokal na produkto ng bayan, gayundin ang pagpapalakas ng turismo sa lugar.

Magbubukas ang selebrasyon sa Marso 18 sa pamamagitan ng Lingayen Bagoong Civic Parade na lalahukan ng mga kalahok sa drum and lyre at street dancing exhibition na gaganapin sa Servillano Dela Cruz Auditorium. Sa gabi ng parehong araw ay idaraos ang Miss Gay Lingayen 2026 bilang bahagi ng entertainment activities ng pista.

--Ads--

Sa ikalawang araw ng pagdiriwang sa Marso 19, isasagawa ang Lutong Lingayen Cooking Competition na magtatampok sa Taway-Taway Food Showcase kung saan ipapakita ang iba’t ibang putahe na hango sa mga lokal na sangkap ng bayan.

Susundan ito ng programang Labi na Manag-Inasin na gaganapin din sa Servillano Dela Cruz Auditorium sa gabi.

Samantala, sa huling araw ng festival sa Marso 20 ay magkakaroon ng Pasyar ed Panag-Inasinan, isang educational tour sa bagoong factory upang maipakita sa mga bisita ang proseso ng paggawa ng kilalang produkto ng Lingayen. Sa hapon naman ay gaganapin ang Kalutan tan Tugtugan ed Dalan na magtatampok ng Battle of the Bands sa Lingayen Plaza Circle.

Layunin ng Lingayen Bagoong Festival na maipakilala at maipagmalaki ang tanyag na Lingayen bagoong, na kinikilala bilang isa sa pinakamahusay na produkto ng bayan, habang pinapalakas ang turismo at pakikiisa ng komunidad sa pagdiriwang.