Dagupan City – Matapos ang ilang buwang pagkapanalo bilang Limgas na Pangasinan 2024 – Grand, ipinahayag ni Jenesse Viktoria Mejia ang kanyang kasiyahan at pasasalamat sa patuloy na tagumpay ng kanyang adbokasiya, ang #iMatter.
Ayon sa kanya, ang pagkapanalo sa prestihiyosong pageant ay isang pagkakataon upang mapalawak pa ang kanyang misyon na naglalayong magbigay halaga sa bawat buhay ng tao.
Ang #iMatter ay isang adbokasiya na inumpisahan ni Mejia noong 2019. Bagamat limang taon na ang lumipas mula nang kanyang sinimulan ito, tanging sa pamamagitan ng kanyang paglahok sa Limgas na Pangasinan 2024 niya lamang nahanap ang tamang plataporma upang maisapubliko at mas mapalaganap ang mensahe ng kanyang layunin.
Aminado si Mejia na malaking tulong ang pageant na ito upang mas mapalawak ang kanyang adbokasiya. Aniya na nabigyan siya ng mas malaking pagkakataon na iparating ang mensahe ng #iMatter, na nagsasabing ang bawat tao ay may misyon at layunin sa buhay.
Kaya naman, paalala niya sa lahat na huwag sayangin ang pagkakataon na mabuhay, alagaan ang buhay at pahalagahan ang kalusugan at kaligayahan.
Sa kabila ng kanyang tagumpay, patuloy si Mejia sa kanyang mga proyektong pangkomunidad.
Kamakailan, nagsagawa siya ng isang Book Reading at Gift Giving event para sa mga bata, isang hakbang patungo sa pagpapalaganap ng pagmamahal at malasakit sa mga kabataan.
Hindi rin tumigil si Mejia sa pagpapalawak ng kanyang kaalaman at kakayahan. Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, nag-enroll siya at naging scholar sa ilalim ng isang mental health coach.
Ayon kay Mejia, nais niyang maging isang mental health coach sa mga kabataan upang matulungan sila sa kanilang emosyonal at mental na kalusugan.
Naniniwala siya na bago niya matulungan ang iba, kinakailangan niya na munang maintindihan ang kanilang pinagdadaanan at mga kalagayan.