DAGUPAN CITY — Kulungan ang bagsak ng limang mga indibidwal matapos silang maaresto ng kapulisan ng bayan ng Bautista.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Reynaldo Mallari, Chief of Police ng Bautista Municipal Police Station, sinabi nito na nahuli nila ang mga suspek sa isang hot-pursuit operation matapos silang magnakaw ng 26 na mga panabong na manok.
Aniya na sa kanilang interrogation ay napag-alamang sangkot din ang mga naturang indibidwal sa ilan pang kahalintulad na kaso ng pagnanakaw sa iba’t ibang mga karatig na bayan. Kaya naman ang pagkakahuli sa mga ito ay nagresulta rin ng pagkakaresolba ng mga kaso nila sa iba pang mga police station.
Lumalabas naman sa kanilang operasyon na ang modus operandi ng mga suspek ay mamatyagan muna nila ang lugar lalo na’t pinapastol lamang ang mga alagaing manok sa open area kaya napakadali lamang na nakawin ng mga ito kung wala ang caretaker o nag-aalaga ng mga ito.
Kaya naman sinabi ng biktima na nakikita na nito ang mga suspek na umaaligid sa kanilang lugar bago pa man nangyari ang insidente, kaya mabilis nitong nakilala ang mga suspek nang madakip ito ng mga kapulisan.
Napag-alaman din sa pakikipagusap nila sa mga suspek na balak nilang ibenta ang mga ninanakaw na manok na isa naman sa ine-establish nila partikular na kung saan ibinebenta at ibinabagsak ang mga nakaw na manok.
Saad nito na may profile na sila sa dalawa sa limang suspek, hamang nagsasagawa naman sila ng operasyon upang malaman ang pagkakakilanlan ng tatlong John Doe’s upang masampahan na rin sila ng kaukulang kaso, habang inihahanda na rin ng mga biktima ang kaso laban sa mga ito.
Sa kasalukuyan ay nairefer na ang mga suspek sa piskalya para sa inquest proceedings at napilahan na ng kasong theft na may bail bond na P10,000, subalit hindi naman nangangahulugan na kung makapagpiyansa sila ang malaya na sila sa pananagutan.