Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa ilalim ng Coast Guard Sub-Station San Fabian ang limang indibidwal na muntik nang malunod matapos tangayin ng malalakas na alon sa karagatan ng Brgy. Nibaliw Vidal sa San Fabian, Pangasinan nitong Sabado, March 14.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Petty Officer 1st Class Raymundo A. Barboza, Sub-Station Commander ng Philippine Coast Guard Substation San Fabian, na nagsasagawa ang kanilang mga tauhan ng pinaigting na Beach Water Safety (BWATS) patrol sa lugar nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Barboza, pauwi na sana ang kanilang patrol team nang madaanan nila ang isang grupo na humihingi ng tulong dahil nasa delikadong bahagi na sila ng dagat.

--Ads--

Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Coast Guard.

Matagumpay namang nailigtas ang mga biktima at naibalik sa ligtas na bahagi ng baybayin.

Lahat ng mga ito ay nasa maayos na kondisyon, walang tinamong pinsala at agad na naiturn-over sa kanilang pamilya.

Ipinaliwanag ni Barboza na isa sa mga dahilan ng ganitong insidente ay ang tinatawag na rip current o malakas na agos ng tubig na biglaang humihila sa mga naliligo papalayo sa pampang, lalo na kapag malalaki ang alon.

Samantala, patuloy namang nagpapaalala ang Philippine Coast Guard sa mga beachgoers na sumunod sa mga safety advisory lalo na ngayong papalapit ang Semana Santa at summer vacation kung kailan inaasahang dadagsa ang mga turista sa baybayin ng San Fabian.

Bukod sa pinaigting na beach patrol, nagsasagawa rin ang Coast Guard ng pamamahagi ng safety flyers at pakikipagdayalogo sa mga resort at coastal establishment upang matiyak na may sapat na lifeguards at paghahanda para sa kaligtasan ng mga bisita.

Ayon kay Barboza, mahigpit ding ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang curfew sa paglangoy hanggang alas-5 ng hapon upang maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod, lalo na kapag nagsisimula nang lumakas ang alon at dumidilim na ang paligid.

Paalala pa ng opisyal sa publiko na alamin muna ang kondisyon ng dagat bago maligo, makinig sa mga babala ng Coast Guard at lifeguards, at bantayang mabuti ang mga bata upang maiwasan ang sakuna sa dalampasigan.