Siniguro ng Dagupan City government na sapat pa rin ang quarantine facilities para sa COVID-19 patients sa kabila ng pagdami ng kasong naitatala sa naturang lungsod.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mayor Marc Brian Lim, sinabi nito na bukod sa isolation facility sa Region 1 Medical Center ay ginagamit na rin ang City People’s Astrodome bilang ito ay matagal na ring naihanda.

Bukod diyan ay mayroon din aniyang isolation facility sa Arizona Inn sa barangay Bonuan Boquig at nagkaroon na rin umano ng kasunduan ang kanilang lokal na pamahalaan sa Specialist Group Hospital & Trauma Center na gagawing isolation area ang isang section ng nabanggit na pagamutan para sa mga COVID-19 patients.

--Ads--

Ani Lim, ito ay dahil kanilang iniiwasan ang pag-home quarantine sa mga nagpopositibo sa nasambit na virus lalo at mahirap aniya itong ipatupad partikular na sa mga maliliit lamang na tahanan.

Samantala, agarang nagpatawag ng pagpupulong ang Dagupan City Administration kaugnay ng mga larawang kumalat sa social media sa paglabag ng publiko sa social distancing protocol sa Tondaligan Beach noong nakaraang linggo.

Ito ang naging tugon ni Lim hinggil sa mga pambabatikos ng marami sa nabanggit na pangyayari.

Aniya, sa kasunod na araw ay nagkaroon ng pag-titipon sina Jun Cadiz, ang Tondaligan Park Administrator, kasama si Lt. Col. Luis Ventura Jr., acting Chief of Police ng Dagupan PNP, maging ng Public Order and Safety Office (POSO) at ng iba pang mga grupo upang pag-usapan at magkaroon umano ng operational plan kung papaano nila itatalaga ang social distancing at pagsusuot ng face mask sa Tondaligan beach lalo aniya kada weekends.

Dagdag ni Lim, ito ay magandang learning experience sa kanilang hanay upang makita ang posibleng pagbugso ng taong papasyal sa nabanggit na lugar.

Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala nito sa publiko na sumunod pa rin sa public health standards at makipagtulugan sa pamahalaan sa pamamagitan nang pagpapairal ng individual responsibilities.