Kasalukuyang dumaranas ng mild pneumonia si Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na siyang nasa isang ospital na sa lungsod upang magpagaling matapos mahawa ng COVID-19.
Mananatili umano ang alkalde sa isang isolation room sa hindi na pinangalanang pagamutan hanggang sa ito ay mag negatibo na sa naturang virus.
Samantala, patuloy pa ring isinasagawa ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng nabanggit na alkalde.
Matatandaan na noong nakaraang linggo nang magkaroon ito ng exposure sa isang COVID-19 positive kung kaya’t agaran naman itong nag home quarantine.
Nakompleto ni Lim ang kaniyang ikalawang dose ng bakuna ng Sinovac noon pang Mayo 5, ngayong taon.
Siya ang kauna-unahang alkalde sa buong lalawigan ng Pangasinan na nakakompleto na ng dalawang dose covid vaccine.
Kaugnay nito, patuloy rin ang kaniyang paki-usap sa publiko na magsuot pa rin ng face mask kasama ng face shield, gayundin sa pag-iwas sa mga matataong lugar.