DAGUPAN CITY- Dapat tiyakin na naaayon sa edad ang ireregalo upang maiwasan ang anumang maaaring kapahamakan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Aileen Lucero, National Coordinator ng Ecowaste Coalition, may mga label ang mga produktong laruan na maaaring pagbasehan kung ito ay naaayon sa pagbibigyan.

Aniya, kung maaari naman ay maiwasan ang mga bagay na maaaring makapahamak tulad ng mahahabang tali at maliliit na baterya kung 0-2 years old ang pagbibigyan.

--Ads--

Maliban pa riyan, iwasan ang may mga matitingkad na kulay dahil maaari itong may dalang kemikal.

Kung maaari na lamang ay magregalo na lamang na mula sa puso tulad ng mga luto o baked foods.

Samantala, kung magpapaingay naman, inirerekomenda rin ni Lucero na iwasan na lamang gumamit ng paputok upang makaiwas sa anumang insidente.

Aniya, marami naman ang mga alternatibong pampaingay na matatagpuan din sa kaniya-kaniyang bahay.

Sa kabilang dako, pagdating naman sa mga parties, inirerekomenda ng Ecowaste coalition ng paggamit ng sariling kagamitan sa tuwing kainan upang makabawas sa mga kalat.

Kung gagawin sa mga pampublikong lugar tulad ng parke ay tiyakin na iuwi ang sariling kalat at huwag iiwan sa pinagganapan.