DAGUPAN CITY- Isinulong ang kahalagahan ng pagbibigay ng ligtas at mapagkakatiwalaang espasyo para sa mga bata bilang bahagi ng paggunita sa Child Abuse Awareness Week.

Ayon kay Mika Cruz, Mental Health / Guidance Advocate, ang “safe space” ay isang kapaligirang nagbibigay-daan sa mga bata na malayang maipahayag ang kanilang saloobin nang walang takot na maparusahan o masaktan.

Aniya, mahalagang maramdaman ng bata na sila ay pinoprotektahan, pinakikinggan, at inaaksyunan kapag may ipinapahayag na alalahanin.

--Ads--

Ipinunto rin ni Cruz na isa sa mga karaniwang epekto ng pang-aabuso sa bata ay ang pagkawala ng tiwala nila sa mga nakatatanda, lalo na kung ang pananakit ay nagmumula mismo sa mga taong inaasahan nilang magbibigay ng proteksyon.

Dagdag pa niya, kadalasang nakikita ang epekto ng pang-aabuso sa academic performance ng bata tulad ng pagbaba ng konsentrasyon, kakulangan sa motibasyon sa pag-aaral, at maging sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.

Apektado rin ang paraan ng pakikitungo nila sa kapwa bata. Binigyang-diin din na may mga batang nagiging manhid o walang emosyon dahil sa paulit-ulit na karanasan ng pang-aabuso.

Sa ilang pagkakataon, nagmumula pa mismo ang abuso sa loob ng tahanan, sa ganitong sitwasyon, mahalaga umanong tumindig ang mga magulang o guardian para sa kapakanan ng bata.

Layunin ng adbokasiya na palakasin ang kamalayan ng komunidad at tulungan ang mga bata na maunawaan na may mga taong handang sumuporta at ipagtanggol sila.