Sa panahon ng mabilis na takbo ng buhay at pagdami ng mga karamdaman, mahalagang malaman kung paano mapananatiling malusog ang katawan upang mapahaba ang ating buhay.

Ibinahagi ni Dr. Glenn Soriano, isang US-based doctor at natural medicine advocate, ang ilang praktikal na paraan upang mapahaba ang buhay ng isang tao ng hanggang sampung taon.

Ayon kay Dr. Soriano, ang habang ng buhay ay hindi lamang nakabase sa lahi o minanang genes kundi higit sa lahat, sa uri ng lifestyle ng isang tao.

--Ads--

Aniya, ang pamumuhay natin araw-araw—mula sa ating pagkain hanggang sa pagtrato natin sa ating oras at relasyon ay may malaking epekto sa tagal at kalidad ng ating buhay.

Isinulong din nito ang kahalagahan ng masustansiyang pagkain, partikular na ang pagkain ng mga sariwang gulay at prutas.

Sa kabila ng katotohanang maraming tao ang umiiwas sa gulay, ipinaalala niya na ang fresh produce ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng ating immune system, na siyang pangunahing panangga ng katawan laban sa sakit.

Bukod sa tamang nutrisyon, binigyang-diin din ni Dr. Soriano ang kahalagahan ng life time management o ang mahusay na pamamahala ng oras.

Aniya, ang pagsunod sa tamang oras sa paggawa ng mga bagay—pagkain, pagtulog, trabaho, at pahinga—ay nakatutulong upang mapanatili ang balanse sa buhay at makaiwas sa stress, na isa sa mga pangunahing sanhi ng maraming karamdaman.

Ipinunto rin ni Dr. Soriano ang kahalagahan ng pakikisalamuha sa ibang tao.

Ang pagkakaroon ng malusog na social relationships ay may direktang epekto sa ating mental at emotional health.

Dagdag pa rito, binanggit niya ang kahalagahan ng simpleng paglalakad o regular na paggalaw bilang ehersisyo.

Ang regular na pisikal na aktibidad, kahit gaano kasimple, ay nakatutulong upang mapanatiling aktibo ang katawan at makaiwas sa mga chronic disease gaya ng sakit sa puso, diabetes, at obesity.