DAGUPAN CITY- Nagbabala ang mga lifeguard sa Tondaligan Beach dahil sa mga sea snake na namataan sa dalampasigan.
Ayon kay Luis Meneses, lifeguard sa Tondaligan, ang mga sea snake, na tinatawag nilang “kumising,” ay karaniwang nagmumula sa mga nalalambat ng mga mangingisda sa dagat.
Kilala din ito sa tawag na walo-walo o Spinned belied Sea snake na nakikita lamang sa malalim na bahagi ng dagat.
Aniya, nakakalusot umano ang mga ito dahil sa liit ng butas ng lambat.
Lubha itong delikado sa tao kapag nakakagat dahil sa kanilang kamandag na maaaring makamatay.
Kadalasan, natatanggal aniya ang mga sea snake sa lambat, buhay man o patay, at itinatapon na lamang umano ng ilang mga mangingisda sa dalampasigan.
Kaya naman, marami ang nakita sa Tondaligan sa nakalipas na araw.
Nitong mga nakaraang araw, maraming sea snake ang lumitaw kung saan hindi na mabilang ni Meneses ang mga ito, ngunit sa kanyang nasaksihan, umaabot na sa anim bukod pa sa iba pang nakakita ngunit ginagawan nila ng paraan para ito ay matugunan.
Dahil dito, pinapayuhan ni Meneses ang mga mangingisda na ihukay na lamang ang mga sea snake para hindi mapaglaruan ng mga bata at maiwasan ang disgrasya kapag mayroon silang malambat muli.
Samantala, sa kabutihang palad, walang naging kaso ng nakagat nito sa lugar sa nakalipas na araw dahil patuloy nila itong minomonitor para sa kaligtasan ng mga turista.










