DAGUPAN CITY- Naghandog ang Department of Labor and Employment Region 1 ng libu-libong trabaho at tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program 4Ps sa Pangasinan ngayong araw.

Isinagawa ito sa People’s Astrodome, Dagupan City na pinangunahan ni Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman, at iba pang ahensya ng pamahalaan, ang programa na “Trabaho at Serbisyong Pangkalusugan sa Bagong Pilipinas”.

Dumalo sa kaganapan si DOLE Secretary Bienvenido Laguesma at Undersecretary Benjo Benavidez upang suportahan ang programa.

--Ads--

Umabot sa mahigit 4,000 trabaho mula sa 23 employers ang inaalok sa Job Fair na bahagi ng programa, partikular para sa mga gagradweyt na benepisyaryo ng 4Ps.

Bukod dito, mahigit P1.7 milyong halaga ng mga proyektong pangkabuhayan ang ipagkakaloob sa 172 benepisyaryo sa iba’t ibang bayan sa Pangasinan sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Nakatanggap naman ng nasa kabuuang P20,264,400 ang 4,330 benepisyaryo bilang sahod para sa kanilang serbisyo sa komunidad.

Layunin ng gawain na makapagbigay ng mga oportunidad sa trabaho, tulong pangkabuhayan, at access sa mahahalagang serbisyo sa mga benepisyaryo ng 4Ps ang nasabing ahensya upang mapaangat ang buhay ng mga Pilipino.