Patuloy ngayon ang pagdagsa ng mga tao sa London upang magbigay galang sa namayapang si Queen Elizabeth II na nakalagak sa Westminster Hall.
Ayon kay Atty. Ronald Sipat ang siyang Chairman of the European Network of Filipino Diaspora UK & Area Commander of Knights of Rizal for UK & Ireland na tuloy-tuloy ang isinasagawang aktibidad bago ang pagsisimula ng seremonya para sa libing nito ngayong Lunes.
Ang libing ay inaasahan aniyang dadaluhan ng 2,000 bisita na kung saan kabilang na rin ang ilang mga pinuno sa iba’t ibang mga bansa.
Matatandaang idineklara ang araw na ito bilang isang holiday sa United Kingdom.
Dagdag pa ni Atty. Sipat na dadalhin ang kabaong ni Queen Elizabeth II mula sa Westminster Abbey hanggang Wellington Arch malapit sa Buckingham Palace sakay ng horse-drawn gun carriage kasama si King Charles III at iba pang royal officials.
Una rin rito ay maging silang mga Pinoy ay hindi pinalagpas ang pagkakataon na masilayan ang labi at makapagbigay respeto sa namayapang lider ng United Kingdom kung saan ay naghintay rin aniya sila ng labing-isang oras na pagpila para rito.
Samantala inihayag naman nitong ang kanilang hanay ay buo ang suporta kay King Charles III na humalili sa namayapang reyna.