Dagupan City – Nagpapatuloy ang pamahalaang panlalawigan ng Pangasinan sa mga malawakang libreng veterinary mission sa iba’t ibang bayan upang tugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng mga alagang hayop at maiwasan ang pagkalat ng rabies at iba pang sakit.
Kasama sa mga serbisyong ibinibigay ang libreng anti-rabies vaccination, deworming, at basic check-up para sa mga aso, pusa, at maging mga alagang hayop sa sakahan.
Layunin din ng programa na maprotektahan hindi lamang ang mga alagang hayop kundi pati na rin ang kaligtasan ng mga residente.
Dumagsa ang mga pet owners sa mga itinakdang lugar ng veterinary mission upang mapabakunahan ang kanilang mga alaga.
Para sa marami, malaking tulong ito lalo na’t may kaakibat na gastos ang regular na veterinary check-up at bakuna.
Ayon sa mga awtoridad, patuloy pa ang ganitong mga aktibidad sa iba pang bayan ng Pangasinan bilang bahagi ng kampanya para sa mas ligtas at mas responsableng pag-aalaga ng hayop sa lalawigan.










