Dagupan City – Isang araw ng libreng serbisyong medikal para sa mga alagang hayop ang ilulunsad ng Office of the Provincial Veterinary o OPVET katuwang ang LGU Mangaldan ngayong Huwebes, Setyembre 18, sa Barangay Banaoang Covered Court mula alas-8 ng umaga hanggang tanghali.
Inaasahang dadagsain ng mga fur parents at animal caretakers ang back-to-back na aktibidad na layong mas mapaigting ang pangangalaga sa kalusugan ng mga hayop. Tampok dito ang libreng anti-rabies vaccination para sa mga alagang aso at pusa.
Maging ang mga may alagang ruminant na hayop tulad ng kambing, baka, at kalabaw ay magbebenepisyo rin sa programa dahil may nakahanda ring libreng deworming at vitamin injection para sa kanila.
Prayoridad sa libreng rabies vaccination ang mga residente ng Barangay Banaoang, habang bukas naman sa mga karatig-barangay ang serbisyo para sa mga ruminant animals.
Hinihikayat ng OPVET at Municipal Agriculture Office ang publiko na samantalahin ang mga programang ito.