Dagupan City – Patuloy ang isinagawang libreng operasyon sa katarata para sa mga nakatatanda sa Dagupan, bahagi ng inisyatibang pangkalusugan na nakatuon sa kapakanan ng mga senior citizen.
Nitong araw, 73 na pasyente ang matagumpay na sumailalim sa operasyon upang maibalik ang kanilang paningin—isang hakbang para maiwasan ang posibilidad ng permanenteng pagkabulag.
Ang katarata ay isang karaniwang kondisyon sa mata na unti-unting nagpapalabo ng paningin at, kung hindi maagapan, maaaring humantong sa pagkabulag.
Sa pamamagitan ng libreng serbisyong ito, nabibigyan ng pagkakataon ang mga matatandang kapos sa pinansyal na makapagpagamot at muling maging aktibo sa pang-araw-araw na buhay.
Bukod sa pagbabalik ng paningin, layunin ng programa na mapalakas ang partisipasyon ng mga nakatatanda sa kanilang pamilya at komunidad.
Sa pagkakaroon ng mas malinaw na paningin, mas naibabalik ang kanilang kakayahang tumulong, gumalaw nang mag-isa, at makapamuhay nang mas maayos.
Ang libreng operasyon sa katarata ay bahagi ng mas malawak na programa para sa kalusugan ng mga matatanda sa lungsod.
Patuloy itong isinasagawa bilang tugon sa pangangailangang medikal ng mga sektor na madalas na naaantala ang gamutan dahil sa kakulangan sa resources.