Dagupan City – ‎Pormal nang nagsimula ang Town Fiesta at Pindang Festival 2026 sa Mangaldan, Pangasinan ngayong Miyerkules sa pamamagitan ng isang libreng medical mission at diabetes-hypertension clinic.

Pinangunahan ito ng Mangaldan International Organization katuwang ang Local Government Unit of Mangaldan bilang bahagi ng pagbubukas ng taunang pagdiriwang ng bayan.

‎Ayon sa mga organizer, layunin ng aktibidad na tugunan ang mga karaniwang sakit tulad ng diabetes, altapresyon at iba pang non-communicable diseases sa pamamagitan ng maagang pagsusuri at konsultasyon.

Kabilang sa mga serbisyong ibinigay ang general check-up, blood sugar at triglycerides screening, blood uric acid test, ankle brachial index testing at electrocardiogram.

--Ads--

Nagsagawa rin ng health education session kaugnay sa diabetes awareness sa tulong ng Diabetes Philippines Pangasinan Chapter.

‎Nakibahagi rin ang iba’t ibang grupo upang tiyakin ang maayos na daloy ng serbisyo, kabilang ang Pangasinan Medical Society na nangasiwa sa triage at pagkuha ng vital signs, at ang Rotary Club of Dagupan na tumulong sa koordinasyon.

Nagbigay rin ng impormasyon hinggil sa mga benepisyo sa kalusugan ang kinatawan ng PhilHealth upang mapalawak ang kaalaman ng mga residente sa serbisyong maaari nilang ma-avail.

‎Bago ang pagsisimula ng mga aktibidad, nagdaos ng misa bilang bahagi ng pagbabasbas sa pista at sa medical mission.

Ayon sa lokal na pamahalaan, bahagi ng mas malawak na layunin ng pagdiriwang ang pagsasama ng mga programang pangkalusugan upang hindi lamang maipagdiwang ang kultura at tradisyon, kundi mapalakas din ang serbisyong panlipunan para sa mga residente ng Mangaldan.