Dagupan City – Nagsagawa ng libreng Progestin Sub-dermal Implant o PSI insertion at removal ang Municipal Health Office ng Mangaldan ngayong Miyerkules, Agosto 20, bilang bahagi ng selebrasyon ng Family Planning Month na may temang “Tara, Usap Tayo sa Family Planning.”
Aabot sa 57 kababaihan ang nabigyan ng implant habang 17 naman ang sumailalim sa removal.
Ang PSI ay isang uri ng modernong contraceptive na inilalagay sa ilalim ng balat ng braso at nagbibigay ng proteksyong tumatagal ng hanggang tatlong taon laban sa hindi planadong pagbubuntis.
Katuwang ng lokal na pamahalaan ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang ahensyang pangkalusugan at populasyon sa pagsasagawa ng programa.
Inilunsad din ang kampanya para sa ligtas at responsableng pakikipagtalik upang maiwasan ang sexually transmitted diseases gaya ng HIV.
Layon ng aktibidad na bigyang-kaalaman at mas maraming pagpipilian ang mga kababaihan pagdating sa reproductive health, bilang bahagi ng mas malawak na layunin para sa planado at mas ligtas na pamumuhay ng bawat pamilya.