DAGUPAN CITY — Malapit nang magkaroon ng libreng dialysis center ang mga residente ng Calasiao matapos personal na inspeksyunin ni Mayor Patrick Caramat ang itinatayong pasilidad sa Poblacion East, na layong magbigay ng abot-kaya at dekalidad na serbisyong medikal lalo na sa mga pasyenteng may sakit sa bato.
Ayon sa alkalde, malaking tulong ang naturang proyekto upang hindi na bumiyahe at gumastos nang malaki ang mga Calasiaoeño sa pagpapagamot sa ibang bayan o lungsod. Sa isinagawang site inspection, inalam din ni Caramat ang mga karagdagang kagamitan at pasilidad na kinakailangan upang matiyak na magiging kumpleto at maayos ang operasyon ng dialysis center.
Kasabay nito, muling binuksan ang Calasiao RHU II sa Barangay Buenlag upang higit pang mailapit ang serbisyong konsultasyon at gamutan sa komunidad.
Pinagtibay din ng lokal na pamahalaan ang suporta sa mga magsasaka sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Agreement sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) para sa crop insurance, kalakip ang Farmers Insurance Program na nakatuon naman sa kanilang kalusugan.
Naghatid din ng libreng serbisyong dental ang “Oplan Balik Ngiti” sa Barangay San Miguel, kung saan nakinabang ang mga senior citizen sa libreng pustiso at ang mga bata sa libreng bunot ng ngipin.
Samantala, 30 couples ang pinagkalooban ng pagkakataong makapag-isang dibdib sa Kasalang Bayan, na inilarawan nilang isang magarbo at masayang selebrasyon na handog ng pamahalaang bayan. Nagsagawa rin ng clean-up drive sa loob at labas ng munisipyo upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.
Bagamat isinagawa ang mga aktibidad kasabay ng kanyang kaarawan, binigyang-diin ni Mayor Caramat na tuloy-tuloy ang mga proyekto anuman ang okasyon.










