DAGUPAN CITY- Patuloy ang pamamahagi ng libreng high-quality rice seeds sa mga magsasaka sa bayan ng San Fabian, Pangasinan.
Ito ay bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF ng national government, katuwang ang Municipal Agriculture Office sa naturang bayan.
Ayon kay Johnny Jugo Paraan, Municipal Agriculturist ng San Fabian, dalawang beses kada taon ang pamimigay ng binhi sa mga magsasaka—tuwing main crop at second crop season.
Nakabase naman sa data ng lokal na pamahalaan kung gaano karaming binhi ang ibinibigay sa bawat magsasaka, depende sa lawak ng kanilang sakahan.
May kasamang abono rin ang ayuda, habang may mga agricultural technicians na itinalaga para naman gabayan ang mga magsasaka sa iba’t-ibang mga barangay sa bayan.
Patuloy ding isinasagawa ang Farmer’s Field School taon-taon, na layuning bigyan ng bagong kaalaman ang mga magsasaka sa paggamit ng makabagong teknolohiya at makinarya.
Sa ngayon, nasa 40 farmers’ organizations ang aktibong tumutulong sa pagpapatatag ng sektor ng agrikultura sa bayan.
Ayon pa kay Paraan, mas maganda ang ani ng palay ngayong taon dahil sa maayos na rainfall distribution at kawalan ng matitinding kalamidad.
Maging ang produksyon ng gulay sa bayan ay lumalago rin kung saan inaangkat ang ilang mga produktong gulay sa siyudad ng Urdaneta na kilalang suplier ng mga gulay sa lalawigan.