Dagupan City – Makikinabang ang libo-libong residente sa pagbubukas ng mga Free WiFi Zone sa ilang barangay at paaralan sa bayan ng San Fabian.

Layunin ng proyektong ito na mabigyan ang publiko ng libre at mas maaasahang internet access upang mapadali ang pag-aaral, paghahanap ng trabaho, komunikasyon, at paggamit ng mga online na serbisyo ng pamahalaan.

Kabilang sa mga inaasahang makikinabang ang mga mag-aaral na nangangailangan ng internet para sa kanilang pananaliksik, online learning, at paggawa ng mga takdang-aralin.

--Ads--

Makatutulong din ito sa mga naghahanap ng trabaho dahil mas madali silang makakahanap ng online job opportunities at makapagsusumite ng mga aplikasyon.

Makikinabang din ang mga residente sa mas mabilis na pakikipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya, pagkuha ng mahahalagang impormasyon, at pag-access sa iba’t ibang serbisyong online.

Ang proyekto ay naisakatuparan sa pamamagitan ng isang resolusyong ipinasa ng Sangguniang Bayan at ng pagtutulungan ng Local Government Unit ng San Fabian at ng Department of Information and Communications Technology (DICT), bilang bahagi ng patuloy na pagpapalawak ng digital connectivity sa bayan.