DAGUPAN CITY- Ipagdiriwang ng Department of Labor and Employment (DOLE) Region 1 ang Labor Day sa pamamagitan ng isang mas pinatibay at pinalawak na Trabaho at Service Affair, alinsunod sa temang Manggagawang Pilipino: Kaagapay sa Pag-unlad, Sandigan ng Mas Matatag na Bagong Pilipinas.”

Ayon kay Regional Director Exequiel Ronie A. Guzman, layunin ng aktibidad na ihatid ang mga serbisyo ng pamahalaan nang mas malapit sa mga mamamayan.

Kaagapay ng DOLE sa programang ito ang Dept. of Social Welfare and Dev. at Dept. of Health, na sabay-sabay na kikilos sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon upang tiyaking makikinabang ang publiko sa mga inihandang programa at tulong.

--Ads--

Inihayag naman ni Assistant Regional Director Honorina Dian-Baga na simula pa lamang noong Abril 25 ay may mga paunang aktibidad nang isinagawa.

Isa na rito ang trabaho at serbisyong pangkalusugan caravan sa Lungsod ng Dagupan, na dinaluhan ng halos 3,000 benepisyaryo ng 4Ps.

Sa Mayo 1, sabay-sabay na idaraos ang iba’t ibang aktibidad sa mga iba’t ibang lugar ng rehiyon kabilang na sa San Nicolas, Ilocos Norte; Santa Cruz, Ilocos Sur; lalawigan ng La Union, at sa lalawigan naman ng Pangasinan: sa bayan ng Lingayen, Calasiao, at syudad ng Urdaneta.

Kabilang sa mga pangunahing handog ay ang One-stop shop para sa mga serbisyo ng gobyerno, Kadiwa ng Pangulo para sa mga manggagawa, Pamamahagi ng tulong mula sa pamahalaan, Learning session para sa informal sector, Diskwento caravan, Wreath-laying ceremony, at Health and wellness services.

Itinatampok din sa programa ang job fair na sinamahan ng MOA signing bilang simbolo ng patuloy na pakikipagtulungan ng DOLE sa iba’t ibang sektor para sa kapakanan ng manggagawang Pilipino.

Inaanyayahan ang lahat na makibahagi sa mga aktibidad at sulitin ang mga serbisyong inihanda bilang pagkilala sa mahalagang ambag ng mga manggagawa sa pag-unlad ng bansa.