Dagupan City – Nagsampa ng mga Reklamong kriminal at libel ang kampo ni Pastor Apollo Quiboloy laban kina Senador Risa Hontiveros, ML Partylist Representative Leila De Lima, at Akbayan Representative Perci Cendaña dahil sa mga pahayag nilang tumutukoy sa kanya bilang “sex offender” at “sex trafficker.”

Inihain ni Quiboloy ang reklamo sa Pasig Regional Trial Court sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Ferdinand Topacio. Nag-ugat umano ang mga ito sa mga pahayag ng tatlong mambabatas kasunod ng kahilingan ng Estados Unidos na i-extradite si Quiboloy.

Iginiit ni Topacio na nakapipinsala ang mga pahayag sa reputasyon ng pastor dahil hindi pa nalulutas sa korte ang mga paratang sa kaniya kung kaya’t hindi umano nararapat na tawaging siyang sex offender at sex trafficker.

--Ads--

Sa kabila ng reklamo, sinabi ni Hontiveros na handa siyang harapin ang kaso. Aniya, handa siyang dumaan sa proseso ng batas at panindigan ang kanyang mga naging pahayag.

Samantala, patuloy naman ang pagsusuri ng Department of Justice sa extradition request ng Estados Unidos. ayon kay DOJ Secretary Fredderick Vida, target ng kagawaran na matapos ang pagsusuri sa kahilingan sa loob ng mga susunod na linggo.