Dagupan City – Patuloy na pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Villasis ang mga programang pang-agrikultura upang masuportahan ang produksyon at kabuhayan ng mga magsasaka sa bayan.
Ayon sa pamahalaang bayan, kabilang sa mga pangunahing tulong ang pagbibigay ng farm subsidy at farm input subsidy gaya ng abono, binhi, makinaryang pansakahan, at solar irrigation systems.
Layunin ng mga programang ito na pababain ang gastos sa produksyon at mapataas ang ani ng mga magsasaka.
Ayon kay Mayor Dita Abrenica, ipinatupad ng LGU ang subsidisadong pagbili ng pataba sa pamamagitan ng direktang pagkuha nito mula sa mga importer.
Dahil dito, hindi na kailangang pasanin ng mga magsasaka ang buong halaga ng abono, kung saan 70 porsiyento na lamang ang kanilang binabayaran at sinasagot ng pamahalaang bayan ang natitirang 30 porsiyento.
Namahagi rin ang pamahalaang bayan ng mga traktura sa mga barangay bilang libreng gamit para sa pagsasaka.
Sa kasalukuyan, pitong malalaking barangay na ang nabigyan ng naturang makinarya, kabilang ang Barangay Cubota.
Bagama’t hindi kalakihan ang mga traktura, malaking tulong pa rin ang mga ito sa paghahanda ng lupang sakahan at iba pang gawaing agrikultural.
Ang pondo para sa mga programang ito ay nagmumula sa bahagi ng excise tax na inilaan ng lokal na pamahalaan para sa sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, inaasahang higit pang mapapalakas ang produksyon ng mga magsasaka at masisiguro ang patuloy na pag-unlad ng agrikultura sa bayan ng Villasis.










