Dagupan City – Patuloy ang ginagawang pamamahagi ng bigas ng Pamahalaang lokal ng Urdaneta City sa ilalim ng kanilang Rice Distribution Program.

Kung saan nagsimula ito noong nobyembre 10 hanggang sa kasalukuyan. Kinabibilangan naman ang napamahagian ng nasa 34 barangay sa lungsod.

Pinangunahan ito ni Urdaneta City Mayor Julio “Rammy” Parayno III at iba pang opisyal ng lungsod na nagpapakita ng dedikasyon sa pagtulong sa mga residente na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng bigas.

--Ads--

Layunin ng programa na mabigyan ng agarang ayuda ang mga pamilyang nangangailangan sa lungsod.

Maliban sa pamamahagi ng bigas, aktibo rin ang lokal na pamahalaan sa paghahanap ng iba pang solusyon upang mapagaan ang pasanin ng mga mamamayan.

Patuloy ding nagbibigay ng impormasyon ang lokal na pamahalaan ukol sa mga detalye ng programa at mga susunod na hakbang upang matugunan pa ang kanilang pangangailangan.

Binigyang diin dito ni Parayno ang kanyang pangako na patuloy na paglilingkuran ang kanyang mga kababayan.

Sa kabilang banda, nakinabang naman ang nasa 10 residente sa bayan ng Sison sa “Negosyo sa Kariton” Project ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Kasama ang mga ito bilang benepisyaryo mula sa ikalimang distrito na tumanggap ng tulong sa bayan ng Binalonan. Layunin nitong mapataas ang kanilang kita at maayos ang kanilang negosyo.

Ayon sa mga opisyal, ang matagumpay na pagpapatupad ng programa ay bunga ng kanilang maayos na pakikipag-ugnayan at kooperasyon. (Oliver Dacumos)