Dagupan City – Tumanggap ang nasa mahigit 1,000 college students sa bayan ng Umingan ng educational assistance mula sa kanilang Lokal na Pamahalaan sa ilalim ng Iskolar ng Umingan Program.

Ito ay bilang bahagi ng patuloy na suporta nito sa edukasyon ng mga kabataan.

Ang mga benepisyaryo ay mga estudyanteng nakapasa sa isinagawang Qualifying Examination para sa programa at naging kwalipikado sa educational assistance na inilaan ng Pamahalaang Bayan.

--Ads--

Layunin ng programa na makatulong sa mga gastusin ng mga college students at kanilang mga pamilya, partikular sa mga pangangailangang may kaugnayan sa pag-aaral.

Sa pamamagitan ng tulong pinansyal, nabibigyan ang mga benepisyaryo ng karagdagang suporta upang maipagpatuloy ang kanilang edukasyon.

Para sa maraming estudyante, ang gastusin sa kolehiyo ay hindi lamang nakatuon sa matrikula kundi kabilang din ang mga pang-araw-araw na pangangailangan gaya ng pamasahe, pagkain, school supplies, proyekto at iba pang gastusin sa pag-aaral.

Dahil dito, malaking tulong ang educational assistance upang kahit paano ay mabawasan ang gastusing pasan ng kanilang mga pamilya.

Higit pa sa tulong pinansyal, itinuturing ang Iskolar ng Umingan Program bilang isang hakbang upang mahikayat ang mga kabataan na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral at makamit ang kanilang mga pangarap.

Sa pamamagitan ng programa, patuloy na isinusulong ng Lokal na Pamahalaan ng Umingan ang mga inisyatibang nagbibigay ng oportunidad at suporta sa mga kabataan, lalo na sa larangan ng edukasyon.