Dagupan City – Nanawagan ang Local Government Unit (LGU) ng San Carlos City sa mga opisyal ng barangay na magsumite ng tama at wastong bilang ng mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha at patuloy na masamang panahon.

Ayon kay San Carlos City Mayor Julier “Ayoy” Resuello, mahalagang maging tumpak ang datos na isusumite ng bawat barangay dahil may mga kinakailangang dokumento at requirements na kailangang ihanda kaugnay sa mga pamilyang apektado.

Hiniling ng alkalde sa mga barangay officials na huwag gawing biro ang pagsusumite ng bilang ng mga apektadong pamilya at iwasang dagdagan o bawasan ang datos.

--Ads--

Aniya, mahigpit na tinitingnan ng munisipyo ang bilang ng mga pamilya batay sa kanilang mga rekord, lalo na’t kinakailangan ang tamang bilang para sa kaukulang tulong at iba pang hakbangin ng pamahalaang lokal.

Binigyang-diin din ni Mayor Resuello na pamilya, at hindi bawat indibidwal, ang dapat bilangin sa pagsusumite ng datos.

Ayon pa sa alkalde, halos isang buwan nang tuloy-tuloy ang pag-ulan kaya’t maraming pamilya ang naapektuhan ng nararanasang sama ng panahon.

Samantala, nagpaabot naman si Mayor Resuello ng pasasalamat sa mga barangay na patuloy na nagbibigay ng tulong at suporta sa kanilang mga nasasakupan sa gitna ng kalamidad.