Binigyan ng palugit ng Lokal na Pamahalaan ng San Carlos City ang PrimeWater upang agarang ayusin at pagbutihin ang kanilang serbisyo kasunod ng sunod-sunod na reklamo ng mga residente hinggil sa mahinang pressure at madalas na water interruption.

Ayon kay Vice Mayor Joseres ‘Bogs’ Resuello, maraming kabahayan ang naapektuhan ng problema sa suplay ng tubig kaya’t kumilos ang Sangguniang Panlungsod upang maglatag ng mga mungkahi at posibleng solusyon para maresolba ito.

Rekomendasyon ng mga konsehal na bigyan ng takdang panahon ang kumpanya upang maisaayos ang kanilang mga linya at mapabuti ang serbisyo.

--Ads--

Pinagbigyan pa rin ang PrimeWater matapos itong mangako na magiging normal ang suplay ng tubig bago matapos ang buwan ng Hunyo.

Dagdag pa ng bise alkalde, kinakailangan ding magkaroon ng “plan B” ang kumpanya sakaling magkaroon ng panibagong water interruption, upang matiyak na may alternatibong mapagkukunan ng tubig ang mga consumer.

Binigyang-diin din ang kahalagahan ng maagap na information dissemination upang agad na maabisuhan ang publiko sa anumang aberya o pagkukumpuni.

Sa panig ng PrimeWater, ikinatwiran nilang nakararanas sila ng kakulangan sa pondo kaya mabagal ang pagpapatupad ng ilang improvement projects.

Aminado rin ang kumpanya na humihina ang pressure ng tubig dahil sa dumaraming konsumo.

Matatandaang nagkaroon ng water interruption nitong mga nakaraang araw matapos masira ang isa sa kanilang makina. Humingi naman ng paumanhin ang kumpanya sa mga naapektuhang residente.