Walang pananagutan ang driver ng ambulansya kaugnay sa reklamo sa hindi pagkakagamit ng kanilang ambulansya para maghatid sana ng isang pasyente sa isang pagamutan sa Mandalugyong City.
Ito ang inihayag ni Mangaldan Mayor Bona Fe de Vera-Parayno sa Debate sa Bombo 2019. Aniya, hindi mahaharap sa disciplinary action ang driver ng kanilang ambulansya dahil wala naman itong nagawang mali at maaaring pinuputilika lamang angnasabing reklamo.
Inilahad pa nito ang pangyayari kung saan pinsan pa umano ng driver ang nagreklamo. Pumayag naman aniya siya maging ang kanilang Rural Health Unit (RHU) na ipagamit ang ambulansya ngunit nagkataon na mayroon ding pasyente na pinuntahan ang driver nang tumawag ang kanyang pinsan. Gusto aniya ng nagreklamo na ora mismong dumating ang ambulansya ngunit hindi agad napagbigyan ng driver.
Una rito, base sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Dagupan, masama ang loob ng pamilya ng hindi pinangalanang pasyente dahil sa hindi nila nagamit ang ambulansya. Nabatid na ipinaalam pa nila ang paggamit ng ambulansya sa mayors office at sa RHU pero hindi nagamit dahil sa kawalan umano ng gasolina. Isa rin umano sa rason ng driber ay masyado nang late na para lumuwas sa Mandaluyong city kaya naghanap na lamang sila ng ibang sasakyan na magagamit.
Samantala, si Parayno lamang ang dumalo sa debate sa bombo 2019 dahil bigong nakarating ang challenger na si Marilyn Lambino na kanyang katunggali sa pagka alkalde sa bayan.