Dagupan City – Nagbigay ng paliwanag ang Lokal na Pamahalaan ng Mangatarem kaugnay sa pamamahagi ng ayuda o food packs para sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad sa bayan.
Ayon kay Mangatarem Mayor Jensen Viray-Ventenilla, isinagawa ang ikalawa at ikatlong wave ng pamamahagi ng ayuda matapos ideklara ang State of Calamity sa lugar. Sa unang wave, una umanong nabigyan ang mga pamilyang itinuturing na pinakaapektado ng kalamidad.
Sa kabuuan, umabot sa 29,761 food packs ang ipinamahagi ng lokal na pamahalaan sa 82 barangay ng Mangatarem.
Gayunman, dahil sa kakulangan ng suplay, kinailangan itong ipagpatuloy hanggang sa ikatlong wave ng pamamahagi upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Samantala, 19,967 food packs naman ang iniabot ni Senador Bam Aquino bilang karagdagang ayuda para sa mga apektadong pamilya.
Dahil dito, tinatayang magkakaroon pa ng kakulangan na humigit-kumulang 800 food packs. Sa kabila nito, tiniyak ng lokal na pamahalaan na mabibigyan ng ayuda ang lahat ng kabilang sa saklaw ng pamamahagi.
Nauna nang sinabi ng LGU Mangatarem na hindi dapat mag-alala ang mga residente dahil sisikaping matugunan ang pangangailangan ng lahat ng kwalipikadong benepisyaryo.
Patuloy naman ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan upang matiyak ang maayos at patas na pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.










