Dagupan City – Pinaiigting ng lokal na pamahalaan ng Mangaldan ang pagpapatupad ng peace and order at road safety sa bayan.
Kasama rito ang mas istriktong monitoring sa rehistrasyon ng sasakyan, pagbabantay sa mga lumalabag sa traffic rules, at pagpapatupad ng anti-noise ordinances laban sa mga modified o defective muffler.
Patuloy din ang mga hakbang laban sa ilegal na droga at juvenile crime.
Nakahanda ang mga drug awareness symposium sa mga paaralan at koordinasyon sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang maipatupad ang intervention sa mga kaso ng pang-aabuso, trafficking, at kabataang sangkot sa krimen.
Kasama sa mga programa ang pagtutok sa heinous crime at pagbibigay ng psycho-social support sa mga nangangailangan.
Layunin ng lokal na pamahalaan na matukoy at matulungan ang mga kaso na nangangailangan ng intervention upang masiguro ang pagsunod sa umiiral na batas.
Para sa road safety, isinasagawa ang mas istriktong monitoring laban sa lasing na pagmamaneho at paggamit ng delikadong sasakyan, kabilang ang electric at modified vehicles.
Nakalaan rin ang karagdagang pondo upang masiguro ang implementasyon ng mga hakbang na naglalayong protektahan ang kaligtasan at kapayapaan sa buong bayan.










